
KAHAPON Pebrero 14 (Araw ng Puso), sinamahan ng bagong hinirang na Presidente at CEO na si Dr. Edwin M. Mercado ang 9,000 opisyal at empleyado mula sa buong bansa sa isang solemn eucharistic mass upang ipagdiwang ang ika-30 anibersaryo ng state insurer. Si Padre Jerry Orbos, SVD, ang nangangasiwa ng misa.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na tiyaking tuloy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH).
Sa paglagda ng pambansang badyet para sa 2025 noong Disyembre 2024 ay tiniyak ni Pangulong BBM na magpapatuloy ang serbisyong ibinibigay ng PHILHEALTH kahit wala itong natanggap na subsidiya mula sa badyet.
Binigyang-diin ng Pangulo ang pangako ng administrasyon na bigyang-priyoridad ang mga serbisyong panlipunan sa badyet para sa 2025, na nakatuon sa mahahalagang sektor tulad ng edukasyon, kalusugan, serbisyong pang-ekonomiya, imprastruktura, at agrikultura.
Sa nasabing pagpupulong noong Enero 14, 2025, hinimok ni Pangulong BBM si Secretary Herbosa na ituon mula sa paggamot patungo sa pag-iwas.
Upang masunod ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pagtiyak ng walang harang at patuloy ang pagbibigay ng mga serbisyo, ang misa sinundan ng isang Board Meeting na pinamumunuan ni Health Secretary Teodoro Herbosa.
Ang mga kritikal na isyu sa patakaran, na tumutugon sa parehong mga pangangailangan ng mga provider at miyembro, ay tinalakay.
“Nais nating tapatan ng buong-pusong paglilingkod ang mainit na pagtanggap ng ating stakeholders, public health and medical communities, at lalung-lalo na ng mga kawani ng PhilHealth na siyang katuwang natin upang mas palawigin pa ang ating serbisyo,” ayon kay Mercado.
Tatlumpung taon mula nang mabuo, ang PhilHealth ay nananatiling nakatuon sa paghahatid ng serbisyo at mas tumutugon sa de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.