MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na umabot na sa 138 aftershocks ang naitala hanggang alas-11 ng umaga nitong Lunes matapos ang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon sa PHIVOLCS, 47 sa mga aftershocks ay na-locate, habang siyam ang naramdaman ng mga residente sa mga apektadong lugar.
Ang lakas ng mga naitalang aftershocks ay mula magnitude 1.3 hanggang 6.7.
Naglabas din ang ahensya ng plotted map ng mga lindol na kaugnay ng offshore Sarangani quake gamit ang datos mula sa General Santos Seismic Station (GSP) at Don Marcelino Seismic Station sa Davao Occidental.
Ayon sa ulat, naramdaman ng ilang residente ang mga aftershocks habang sila ay lumabas ng kanilang mga bahay at nanatili sa labas matapos ang malakas na lindol.
Patuloy namang pinapaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na maging alerto dahil sa posibleng karagdagang aftershocks. RNT/MND