Home METRO 2 patay sa tumalon na truck sa bangin

2 patay sa tumalon na truck sa bangin

BENGUET- Patay ang dalawang katao kabilang ang driver matapos tumalon sa bangin ang sinasakyan nilang truck, kahapon sa bayan ng Tuba.

Kinilala ang mga nasawi na sina Michael Gayob Mader-an, 46, driver, James Liwan Wagne, 31, habang ginagamot sa ospital ang kasama nilang 49-anyos na lalaki at pawang mga taga-NHA Upper Tadiangan, Tuba, Benguet.

Batay sa report ng Tuba Municipal Police Station, naganap ang insidente noong Enero 3, 2025 sa kahabaan ng Kennon Road sa Sitio Maramal, Camp 5, Barangay Camp 4 – Camp 6, ng naturang bayan.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Mader-an ang mini-truck nang bigla na lamang pumalya ang makina ng sasakyan hanggang sa mahulog sila sa bangin na may 100 metro ang lalim.

Agad namang dinala sa Baguio General Hospital and Medical Center ang tatlo subalit idineklara na ring patay sina Mader-an at Wagne habang nasa maayos na kondisyon na ang kanilang kasama.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya s nasabing insidente. Mary Anne Sapico