Bulacan- Arestado ang 35-anyos na lalaking engineer matapos umanong mahulihan ng P300,000 halaga ng ilegal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas Victor, may asawa, civil engineer, self-employed, tubong Manila at kasalukuyang residente ng Regent Heights, Brgy. Poblacion.
Sa report ni SJDM ACOP PLTCOL Edilmar Alviar kay Bulacan Police director PCOL Satur Ediong, ikinasa ang operasyon bandang alas-12:30 ng madaling araw nitong Enero 4 sa Regent Heights, Brgy. Poblacion.
Ayon sa report, nakumpiska sa operasyon ang small self sealing transparent plastic sachet, transparent plastic container suspected dried marijuana, 2 packs ng rolled suspected dried marijuana, 1 pack ng rolled suspected dried marijuana na nakabalot sa yellow packaging tape at clean wrap, 9 rolled transparent self lock plastic, weighing scale na tumimbang ng 2,500 gramo at may standard drug price na P300,000.
Sinasabing ang suspek ay nakatakdang isalang sa drug test habang ang mga ebidensya ay dadaan sa laboratory examination sa SJDM Satellite Forensic Office.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III