NEW YORK — Dalawang piloto ang nasawi matapos mabangga ng isang Air Canada aircraft ang isang fire truck sa runway ng LaGuardia Airport nitong Linggo ng gabi, habang dalawa pa ang nasugatan.
Nangyari ang insidente bandang alas-11:40 ng gabi nang mabangga ng isang Jazz Aviation flight na pinapatakbo para sa Air Canada ang isang Port Authority Aircraft Rescue and Firefighting vehicle na rumesponde sa hiwalay na insidente, ayon sa mga awtoridad.
“Emergency response protocols were immediately activated,” ayon sa tagapagsalita. “The airport is currently closed to facilitate the response and allow for a thorough investigation.”
Nasugatan ang dalawang sakay ng fire truck habang rumesponde sa isang flight na nag-ulat ng hindi matukoy na amoy sa cockpit.
Ayon sa Air Canada, may sakay na 72 pasahero at apat na crew members ang CRJ-900 aircraft batay sa paunang tala.
Isinara ang LaGuardia Airport matapos ang insidente, habang nagpatupad ang Federal Aviation Administration ng ground stop sa lahat ng departures hanggang 1800 GMT, na may posibilidad pang palawigin. RNT