Home NATIONWIDE 2 Pinay nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa, naharang sa pekeng dokumento

2 Pinay nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa, naharang sa pekeng dokumento

MANILA, Philippines – Naharang ng mga awtoridad ang dalawang Pinay na nagbabalak magtrabaho abroad dahil sa mga pekeng dokumento na ipinresenta bago ito sumakay ng eroplano.

Sa pahayag ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado nitong Lunes, Pebrero 10, sinabi na napigilan ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI ang mga biktima sa magkahiwalay na pagkakataon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Ang unang biktima ay isang 30-anyos na babae na naharang noong Pebrero 4 bago sumakay sa Cebu Pacific flight patungong Nagoya, Japan.

“She presented a Commission on Filipino Overseas (CFO) certificate, which was easily flagged as unregistered by the BI-CFO system,” ani Viado.

Ang CFO certificate ay isang travel document na obligado para sa first-time Filipino immigrants.

Sa kabilang banda, naharang din ang 34-anyos na babae na pasakay sana sa AirAsia flight patungong Kuala Lumpur, Malaysia noong Pebrero 7.

“The victim’s overseas employment certificate (OEC) number, listed under a different name in the BI-DMW database, revealed tampering,” dagdag ni Viado.

Ang pagpigil sa mga biktima na makalabas ng bansa ay dahil sa matagumpay na system integration ng Department of Migrant Workers (DMW), at Commission on Filipino Overseas (CFO). RNT/JGC