MANILA, Philippines- Dalawang Pinoy na naaksidente sa sasakyan sa gitna ng pagbaha sa United Arab Emirates ang naospital at ngayon ay nagpapagaling, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na ang dalawang Pinoy ay sandaling dinala sa intensive care unit (ICU), ngunit ngayon ay nagpapagaling na.
Tatlong overseas Filipino workers (OFWs) ang nasawi sa baha sa UAE. Dalawa sa kanila ang namatay dahil sa suffocation sa loob ng kanilang sasakyan noong baha, habang ang isa naman ay namatay dahil sa vehicular accident.
Sinabi ni Cacdac na ginagawa na ang pagsasaayos para sa pagpapauwi ng kanilang mga bangkay.
Umaasa siyang makararating ang mga labi sa Pilipinas bago matapos ang buwan.
“Wala pang nakatakdang araw. But UAE ito. Sa karanasan natin sa UAE, mabilis silang mag-proseso ng dokumento… Sa DMW side, ‘yung labor counterpart natin doon ay madaling lapitan… Mahirap lang magtakda ng petsa, pero itong buwan na ito, malamang sa malamang ay makakauwi ‘yung tatlo,” sabi ng opisyal.
Sinabi rin ni Cacdac na ang pagbaha sa UAE ay bumaba na at unti-unti nang bumabalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao roon.
Ang mga pag-ulan ang pinakamalakas na naranasan ng UAE sa loob ng 75 taon na nakapagpatigil sa karamihan sa bansa at nagdulot ng malaking pinsala.
Sinabi ng mga eksperto na ang biglaang panahon ay maaaring sanhi ng pagbabago ng klima. Ang baha ay maaaring bahagyang resulta ng kakulangan ng imprastraktura ng drainage sa bansa.
Nasa 650,000 Pilipino ang nasa Dubai, ngunit wala pang humiling na mapauwi sa ngayon, kasunod ng mga pagbaha. Jocelyn Tabangcura-Domenden