Home NATIONWIDE PBBM sa DA: Proseso gawing simple para sa mas mababang presyo

PBBM sa DA: Proseso gawing simple para sa mas mababang presyo

MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Agriculture (DA) na isulong ang madaling pagnenegosyo sa bansa base sa kanilang pamamaraan partikular na ang pag-alis sa non-tariff barriers sa importasyon ng agricultural products, para maibaba ang presyo at tiyakin ang suplay.

Inihayag ito ni Pangulo sa Administrative Order (AO) No. 20 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Abril 18, na kagyat na naging epektibo.

Sa kanyang AO, binigyang-diin ng Pangulo na ang “administrative constraints at non-tariff barriers” ang dahilan ng patuloy na pagtaas ng domestic prices ng agricultural commodities sa kabila ng umiiral na hakbang.

Idinagdag pa nito na mahalaga para sa DA na magsagawa ng hakbang na naglalayong i-streamline ang “administrative procedures and policies” sa importasyon ng agricultural products, at maging ang pag-alis ng non-tariff barriers para tugunan ang tumataas na domestic prices ng agricultural commodities.

Ang non-tariff barriers ay policy measures, bukod pa sa customs tariff, na higpitan ang kalakalan kabilang na ang subalit hindi limitado sa quota, pag-angkat ng licensing systems, regulasyon at red tape.

“It is imperative to further streamline administrative procedures to foster transparency and predictability of policies on the importation of agricultural products in order to help ensure food security, maintain sufficient supply of agricultural goods in the domestic market, and improve local production,” ayon kay Pangulong Marcos.

Ipinag-utos din ng Pangulo sa DA na makipagtulungan sa Department of Trade and Industry (DTI) o sa Department of Finance (DOF) na i-streamline ang ‘procedures at requirements’ sa paglilisensya sa importers, bawasan ang processing time ng aplikasyon para sa importasyon at pag-exempt sa licensed trades mula sa pagsusumite ng registration requirements.

Ang DA, kasunod ng konsultasyon sa National Economic and Development Authority (NEDA) Committee on Tariff and Related Matters, ay inatasan na bilisan ang importasyon ng ilang agricultural products sa labas ng authorized MAV at bawasan o alisin ang administrative fees.

Ipinag-utos din ng Chief Executive sa DA na i-streamline ang pamamaraan at requirements para sa pagpapalabas ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC), at gumawa ng konkretong hakbang para mapahusay ang “logistics, transport, distribution, at storage ng imported agricultural products.”

Samantala, binigyan naman ng mandato ang Bureau of Customs (BOC) na iprayoridad ang “unloading at releasing imported agricultural products” alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), at iba pang applicable laws, rules, and regulations ng burukrasya.

Ipinag-utos ng Punong Ehekutibo sa DA, DTI, BOC, Philippine Competition Commission, Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) na bumuo ng “Surveillance Team” na pangungunahan ng Agriculture Department upang tiyakin ang epektibo at episyenteng implementasyon ng AO.

Ang Surveillance Team ay may tungkulin na i-monitor ang importasyon at distribusyon ng agricultural products at pigilan ang illegal price manipulation acts at iba pang hindi patas na anti-competitive commercial practices, bukod sa iba pa.

Inatasan naman ang DA, DTI, DOF, BOC, at Sugar Regulatory Administration (SRA) na sama-samang magsumite ng quarterly report sa kalagayan ng implementasyon ng AO sa Pangulo sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary at Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO).

Ang IAC-IMO, itinatag sa pamamagitan ng Executive Order No. 28 (series of 2023), ay isang advisory body ng Economic Development Group sa hakbang na magpapanatili sa inflation, partikular na sa pagkain at enerhiya sa loob ng inflation targets ng gobyerno. Kris Jose