Home NATIONWIDE 350 Pinoy nurses, careworkers wanted sa Japan

350 Pinoy nurses, careworkers wanted sa Japan

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Japanese Embassy sa Manila ang pagbubukas ng job application para sa 50 nurses at 300 careworkers na ipadadala sa Japan para magtrabaho sa loob ng tatlo hanggang apat na taon.

Ginawa ng embahada ang anunsyo sa pamamagitan ng isang advisory ng Department of Migrant Workers (DMW), na nagdetalye ng mga kwalipikasyon para sa mga kandidato sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA).

Ayon sa DMW, ang mga tinanggap na kandidato ay kailangang sumailalim sa pagsasanay sa wikang Hapon sa loob ng anim na buwan sa Pilipinas at anim na buwan sa Japan bago matanggap na magtrabaho sa mga ospital at pasilidad ng pangangalaga sa Japan.

“Japanese language training fee is free of charge and daily living allowance will be provided for the whole duration of the language training,” idinagdag pa sa abiso.

Gayunman, ang mga mayroon nang Japanese Language Proficiency Training Certificate (N3 o N4) na nakuha pagkatapos ng Abril 2022 ay hindi isasama sa JLPT sa Pilipinas.

Inaasahang makakukuha ng kasanayan ang mga kandidato sa wikang Hapon na katumbas ng target na antas ng N4 sa pagtatapos ng Preparatory Japanese Language Training sa Pilipinas.

Ang may karanasan na sa pag-aaral ng wikang Hapon sa loob ng 12 buwan sa isang Japanese Language Training Institution na itinalaga ng Ministry of Justice sa Japan ay magiging exempted sa JLPT kapwa sa Pilipinas at Japan.

Hinihikayat naman ang mga kandidato na kumuha ng Japanese license para sa Kangoshi at Kaigofukushishi upang mabigyan sila ng pagkakataon para sa mas mahabang panahon ng trabaho sa Japan.

Upang maging kwalipikado, ang mga nars ay dapat na graduate ng Bachelor of Science in Nursing na may aktibong propesyonal na lisensya at hindi bababa sa tatlong taong karanasan sa trabaho sa ospital.

Ang mga tagapag-alaga ay dapat na graduate ng Bachelor of Science in Nursing na may lisensya o walang propesyonal, o nagtapos ng anumang apat na taong kurso ngunit may National Certificate II sa Caregiving mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Kailangang magsumite ng mga interesadong aplikante ng mga rekisitos—detalyadong resume na may isang 2×2 kamakailang larawan at malinaw na mga kopya ng transcript of records, diploma sa kolehiyo, updated na sertipiko ng trabaho, kung naaangkop, at Japanese Language Training Certificate, kung mayroon.

Hihilingin din sa kanila na magsumite ng valid TESDA NCII Certificate sa Caregiving (kung hindi BS Nursing Graduate), valid passport, at valid NBI clearance (multi-purpose).

Ang mga karagdagang rekisitos ay isang sertipiko ng Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS) at nakaimprentang kopya ng Workers Information Sheet/E-Registration na makukuha mula sa mga online na serbisyo ng DMW.

Kasado ang deadline para sa pagsusumite sa Mayo 10. Jocelyn Tabangcura-Domenden