Home NATIONWIDE BOC nakapagtala ng P8B revenue surplus sa Q1 2024

BOC nakapagtala ng P8B revenue surplus sa Q1 2024

86
0

MANILA, Philippines- Ibinida ng Bureau of Customs (BOC) na nalampasan nila ang kanilang target na koleksyon sa unang tatlong buwan ng taon.

Ayon kay BOC Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, nakakolekta sila ng P219.385 bilyon sa kabuuang kita kung saan iyon umano ang surplus na P8.489 bilyon mula sa kanilang target para sa partikular na panahon.

“So, there’s a surplus of about… more than PHP8 billion by the Bureau of Customs for the first quarter of 2024,” ani Maronilla.

Ayon pa kay Maronilla, bahagi umano nito ay ang boluntaryong pagbabayad ng mga kompanya sa pamamagitan ng kanilang naunang disclosure program na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.88 bilyon na pinakamataas sa kasaysayan ng BOC kada quarter. May mga audit findings din umano na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P89 milyon.

Nakakolekta din aniya sila ng humigit-kumulang P3.8 milyon na kita para sa mga public auction na isinagawa ng bureau.

Iniulat din ng opisyal na tinatayang nasa P48 bilyon na halaga ng mga smuggled na kagamitan ang nasamsam noong 2023. Kabilang aniya sa mga karaniwang kalakal na ipinuslit sa bansa ay ang mga sigarilyo, mga kalakal sa Intellectual Property Rights (IPR), gayundin ang mga lokal na tatak, produktong pang-agrikultura, at mga gamot.

Mula Enero hanggang Marso ngayong taon, ani Maronilla, nakumpiska ng BOC ang P11.8 bilyong halaga ng mga kalakal.

Kaugnay nito, binanggit ni Maronilla na 96.99 porsyentong kumpleto ang proseso ng digitalization sa bureau.

Sinabi ni Maronilla na ang digitalization project ay pangunahing ginawa para mabawasan ang mga face-to-face transactions para maalis ang katiwalian.

Samantala, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Department of Information and Communications and Technology (DICT) at National Privacy Commission hinggil sa BOC system na nakompromiso dalawang linggo na ang nakararaan.

“Nagkaroon ng breach sa aming Customs system – hindi lahat ngunit sa tingin ko ay malaking bahagi ng ilan sa aming mga aplikasyon. Tinitingnan ito ngayon ng yunit sa ilalim ng DICT na namamahala sa pagtukoy sa paglabag na isinagawa. Ang imbestigasyon ay inilunsad na rin ng Privacy Commission at ng Bureau of Customs, upang matukoy ang mga lapses na na-encounter, kung bakit nangyari ito,” ayon sa opisyal.

Unti-unti umanong nire-reset ng BOC ang lahat ng access ng mga empleyado sa system. Kabilang sa mga system na binubuo ay ang auction at disposal system, pre-payment, internal system, at customer care portal system. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here