MANILA, Philippines – Dalawang Pilipino ang nasaktan sa magkahiwalay na insidente sa Kuwait at United Arab Emirates habang tumitindi ang labanan sa pagitan ng US, Israel, at Iran.
Ayon kay Hans Leo Cacdac, DMW Secretary, isang Filipina sa restaurant ng Kuwait International Airport ang nagtamo ng “very minor injuries” matapos tamaan ng debris mula sa drone strike sa Terminal 1 noong hapon ng Feb. 28. Siya ay nakalabas ng ospital kinabukasan.
Kinilala ng Kuwait-based news website na The Times Kuwait ang biktima bilang 27-anyos na si Camille Joy Dacanay, nagtatrabaho sa food service division ng paliparan, kabilang sa 32 foreign nationals na nasaktan sa insidente.
Sa UAE naman, iniulat ng UAE Ministry of Defence na kabilang ang mga Pilipino sa 58 katao na nagtamo ng “minor injuries” matapos tamaan ng Iranian drones ang ilang civilian areas. Hindi tinukoy ang eksaktong bilang at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
May humigit-kumulang 975,000 OFWs sa UAE at 211,000 sa Kuwait, na kabilang sa pinakamalaking komunidad ng Pilipino sa Gitnang Silangan na may kabuuang 2.5 milyon OFWs.
Binanggit ni Ferdinand Marcos Jr. na si 32-anyos na caregiver Mary Ann de Vera ang kauna-unahang Pilipinong nasawi sa kasalukuyang digmaan matapos mamatay sa Tel Aviv, Israel habang inaalagaan ang kanyang nakatatandang ward noong Feb. 28.
Pinayuhan ni Marcos ang mga OFW na manatili sa ligtas na lugar habang hinihintay ang pagkakataon na makalikas, at sumali sa panawagan para sa ceasefire sa rehiyon. RNT/MND