Home OPINION 2 PINOY PATAY SA  HOUTHI ATTACK?

2 PINOY PATAY SA  HOUTHI ATTACK?

INIULAT na dalawa sa tatlong namatay na crew ng barkong inatake ng mga Houthi sa Gulf of Aden ang Pinoy.

Habang tinitipa ito, hindi pa kinikilala ng mga awtoridad ang mga biktima, gayundin ang mga nasugatan, kung meron man.

Binubuo ang mga crew ng barkong True Confidence ng 15 Pinoy, 1 Indian, 4 Vietnamese at dagdag rito ang 2 Sri Lankan at 1 Nepalese na armadong guwardiya ng mga ito.

Sino-sino nga ba silang mga biktima at may kontak na ba ang pamahalaan sa mga pamilya ng mga ito?

Paano ang repatriation o pagbibiyahe ng bangkay ng mga ito?

HINDI NAKINIG

Ayon sa mga crew, nakatanggap sila ng mensahe sa VHF radio na umiba sila ng direksyon.

Nagpakilala ang mga tumatawag na Yemeni Navy.

Hindi umano nila pinakinggan ang utos ng nagpakilalang Yemeni Navy kaya sumunod na ang  malalakas na pagsabog na tumama sa barko.

May dala-dala palang missile ang mga tumawag sa kanila at dito na tinamaan ang barko.

Nagkaroon ng sunog ang ilang bahagi ng barko at makaraan lang ng ilang oras, dumating na rin ang mga barkong militar ng United States, United Kingdom at iba pa para saklolohan ang mga crew at iligtas sa higit pang mga kapahamakan.

May mga karga umanong bakal at truck ang barko mula sa China at patungong Saudi Arabia nang maganap ang pangyayari.

BASTA PAG-AARI NG US, UK AT ISRAEL

Ayon sa mga Houthi, hindi nila sasantuhin ang mga barkong pandigma at sibilyang pag-aari ng US at UK na pangunahing supporter umano ng Israel laban sa mga Hamas at Palestino sa Israel-Hamas war.

Gayundin ang barko ng Israel.

Hangga’t hindi umano tumigitil ang Israel sa paggiyera sa mga Hamas at Palestino, mananatili naman ang pamiminsala nila sa mga pwersang militar at barko ng US at UK.

Pag-aari ang True Confidence ng True Confidence Shipping SA na nakarehistro sa Libera at inoopereyt ng Third January Maritime Ltd sa Greece.

Gayunman, napag-alamang dating pag-aari ito ng kompanyang Amerikanong Oaktree Capital Management.

17 PINOY SA GALAXY LEADER MUSTA NA?

Medyo matagal-tagal na rin ang kaso ng mga na-hostage na crew ng Galaxy Leader sa Yemen.

Mga Houthi rin ang humarang at nakadaong pa ang barko sa isang puerto sa Yemen na kontrolado ng mga Houthi.

Nakapaloob ito sa Ray Car Carriers na pag-aari ng Ramil Ungar na isang kompanyang Israelita.

Kamusta na ang kalagayan ng pamilya ng 17 seaman na ito na mula Nobyembre 2023 ay nasa Yemen?

Malamang itinatago ang mga ito upang hindi matamaan ng mga pambobomba ng mga eroplanong US at UK.

Ano kaya ang nangyari sa pakikipag-usap ng pamahalaan sa Iran na sinasabing kahit papaano’y may impluwensya sa mga Houthi?

Sana naman makalaya na sila anomang araw.

Walang kapalit ang kalayaan, kasama ang mga pamilya at nasa kandungan ng inang bayan.

Previous articleP1.4B cash aid inayuda sa P145K pamilyang sapul ng kalamidad sa Davao
Next articleNFA manpower sapat sa pagpapatuloy ng operasyon – DA