Home NATIONWIDE NFA manpower sapat sa pagpapatuloy ng operasyon – DA

NFA manpower sapat sa pagpapatuloy ng operasyon – DA

MANILA, Philippines – TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) na may sapat na manpower para ipagpatuloy ang operasyon ng National Food Authority (NFA).

Ito ay kasunod ng pagpapatupad ng preventive suspension order ng Ombudsman laban sa 139 na opisyal at empleyado sa gitna ng pagsisiyasat sa umano’y hindi tamang pagbebenta ng rice buffer stock.

Sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na mayroon pa ring mahigit 1,000 tauhan ang NFA na magtatrabaho sa ilalim ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na pansamantalang pumalit sa pamunuan ng NFA.

“Sinisigurado namin na iyong mga papalit ay magkaroon din ng kapangyarihan o authority para iyong mga warehouse ay mananatili sa operations sa pamimili sa ating mga magsasaka (We are ensuring that those who will take place shall be granted powers or authority to keep the warehouses operating in terms of buying [palay] from our farmers),” sinabi pa ng opisyal.

Ayon kay De Mesa na pansamantalang papalitan ng mga susunod sa pila ang tungkulin ng mga suspendidong opisyal.

Samantala kabilang sa mga sinuspinde na opisyal ang NFA administrator Roderico Bioco, assistant administrator for operations John Robert Hermano, 13 regional managers, 26 branch managers at 99 warehouse supervisors.

Kaugnay nito nakatakdang magsagawa ng emergency council meeting ang NFA sa Miyerkules para matiyak ang tuloy-tuloy na pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa gitna ng panahon ng ani.

Samantala, pinuri naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang hakbang ng DA matapos lumabas ang mga ulat ng kuwestiyonableng transaksyon.

“Talagang kino-commend natin si Secretary Laurel for his decisive action,” SINAG Executive Director Jayson Cainglet na sinabi nito sa isang radio interbyu.

“Actually, bago pa iyong Ombudsman decision kahapon. Last week, sinabi niya na mag-leave muna iyong mga involved na persons” idinagdag niya.

Iginiit ni Cainglet na ang transaksyon, bukod sa walang bidding, ay lubhang disadvantageous sa gobyerno.

“P23 binili ng NFA ang palay, binenta PHP25 as bigas. Tapos ang impormasyong nakarating satin itong PHP25 per kilo na malaki ay naibenta ng PHP52, so doble ito,” sabi niya.

Sinabi ni Cainglet na sa halip na piling mga mangangalakal, ito ay maaaring ibenta sa mga tindahan ng Kadiwa ng DA o sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Maaring maibsan nito ang presyur sa presyo at nakinabang ang mahihirap na Pilipino, dagdag niya.

Samantala, nangako ang DA na pabilisin ang pagsisiyasat kasabay ng pakikipagtulungan sa Office of the Ombudsman. Santi Celario

Previous article2 PINOY PATAY SA  HOUTHI ATTACK?
Next articleLTFRB: Pamamahagi ng pondo sa fuel subsidy program, palyado!