Home NATIONWIDE P1.4B cash aid inayuda sa P145K pamilyang sapul ng kalamidad sa Davao

P1.4B cash aid inayuda sa P145K pamilyang sapul ng kalamidad sa Davao

MANILA, Philippines – UPANG makabangon sa epekto ng kalamidad sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD),sa Davao region ang pamimigay ng emergency cash transfer (ECT) sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha dulot ng shear line at low pressure area (LPA) nitong nakaraang Enero.

Ayon kay DSWD Asst. Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, nagsimula ang payout noong March 4 sa bayan ng Tarragona sa Davao, kung saan pinangunahan ng DSWD Davao Field Office ang pagbibigay ng ECT.

Magsasagawa din ang Davao Field Office ng series of ECT payout sa humigit kumulang na 145,695 disaster-affected families sa buong rehiyon ng Davao.

Kaugnay nito sinabi ni Asst. Sec. Lopez, na naglaan ng mahigit sa P1.4 bilyon ang ahensya para sa emergency cash aid na ipamahagi sa mga apektadong pamilya ng Davao del Norte at Davao Oriental.

“Ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng Php9,960, katumbas ng humigit-kumulang 75 porsiyento ng kanilang kasalukuyang regional minimum wage rate sa loob ng 30 araw. Malaki ang maitutulong ng cash aid na ito sa ating mga apektadong kababayan para makabangon sa mga kalamidad na nakaapekto sa kanilang buhay at kabuhayan,” ani Asst Secretary Lopez.

May kabuuang bilang na 70,000 benepisyaryo mula sa distrito ng Asuncion, Braulio E. Dujali, Carmen, Kapalong, New Corella, Panabo City, Santo Tomas, at Tagum City sa Davao del Norte at makatanggap ng ECT assistance.

Samantala sa Davao Oriental, humigit kumulang sa 75,695 benepisyaryo mula naman sa mga bayan ng Baganga, Banaybanay, Boston, Caraga, Gov. Generoso, Lupon, Manay, Mati City, San Isidro, at Tarragona ang inaasahang mabibiyayaan ng cash aid mula ngayong Marso hanggang Hunyo ngayong taon. Santi Celario

Previous articleBE RESPONSIBLE GUN OWNERS
Next article2 PINOY PATAY SA  HOUTHI ATTACK?