Home NATIONWIDE 2 Pinoy tinukoy na nagpatakas sa South Korean fugitive sa BI

2 Pinoy tinukoy na nagpatakas sa South Korean fugitive sa BI

MANILA, Philippines- Kinilala sa pangalang “Raul” at “Paul” ang dalawang Filipino kasama ang isa pang South Korean national na nagpatakas sa isang puganteng Koreano sa halagang P14 milyon matapos itong dumalo sa hearing sa korte.

Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate subcommittee on justice and human rights nitong Martes ni Senador Risa Hontiveros, sinabi ni Na lk-hyeon, isang puganteng South Korean na wanted sa kasong panloloko na isang Raul at Paul ang nagtulong upang makatakas siya kasama ang isang Koreano.

“What are the names of Bureau Immigration (BI) people who helped you escape?” tanong ni Hontiveros, na nanguna sa pagdinig.

Isang in-house translator ang nagtanong kay Na base sa kuwestiyon ni Hontiveros kaya nakapagbigay ang suspek ng dalawang pangalan na sina Raul at Paul.

Sinabi ni Na base sa pagsasalin sa English ng translator, na nangako sina Raul at Paul na tutulungan siyang makatakas kapalit ng pera.

Ayon kay Na, nagbigay siya ng P8 milyon sa kasamang Koreano noong Hunyo 2023 at karagdagang P6 milyon sa dalawang Pinoy na sina Raul at Paul.

Kalaunan ng pagdinig, tinukoy ni Na na pawang miyembro ng Philippine National Police si Raul at mataas na opisyal ng Bureau of Immigration naman si Paul.

Ngunit, itinanggi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na may kakilala siyang Raul o Paul na maaaring sangkot sa pagtakas ni Na.

Aniya, nakakuha sila ng litrato ng sinasabing opisyal ng BI na tumulong sa pagtakas ngunit hindi nila ito makikilala.

“Aside from the investigation internally, we also filed a case before the City Prosecutor of Quezon City. We also filed one before the Ombudsman, and our investigation is not confined to these three. There are other things being investigated inside the Bureau,” ayon kay Viado.

Inaresto si Na noong Mayo 31, 2023 at ikinulong sa pasilidad ng ahensya habang naghihintay ng deportasyon. Ipinagpaliban ang deportasyon ni Na dahil nakabinbin ang kasong estafa na isinampa ng isang Filipino complainant sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon sa BI dumalo sa hearing ang Koreano noong Marso 4 saka ito tumakas. Ernie Reyes