MANILA, Philippines- Binalewala ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang umano’y ingay-politika ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na makasasagabal umano sa implementasyon ng ilang pangunahing economic reforms na inihahanda ng Senado.
Sa pahayag, itinuturing ni Escudero na pawang “kalusugan” ng masiglang demokrasya ang ingay na nararanasan ng bansa sa pagdakip at pagkakulong ni Duterte sa The Hague dahil sa Crimes Against Humanity sa war on drugs at Davao Death Squad.
“This so-called noise is part and parcel of having a vibrant democracy, which is normal in a state comprised of diverse peoples with different views,” aniya sa Viber message sa reporters.
Inihayag ni Escudero na habang mananatiling mapayapa ang diskusyon, pinapayagan sa demokratikong proseso ang malusog na debate.
Aniya, pina-angkop na lugar ang susunod na midterm elections sa Mayo upang magkaroon ng malaking pagbabago sa gobyerno.
“Given the above, I don’t believe it will affect the passage by Congress of needed economic legislation,” wika ng senador.
Inihayag ito ni Escudero bilang reaksyon sa babala ng ING bank na maaaring maantala ang financial market-friendly reforms sa kaguluhang politikal na nag-ugat sa pagdakip kay Duterte at napipintong impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Iginiit ng bangko na maaaring maibaling ng Kongreso ang atensyon nito mula sa policy-making.
Ngunit, tiwala si Escudero na malalampasan ng Kongreso ang lahat nang ito upang isulong ang ilang kritikal na legislative measures. Ernie Reyes