INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang magkasunod na pagkaka-aresto sa dalawang lalaking South Korean na itinuro ng kanilang gobyerno bilang mga pugante noong Setyembre 20.
Ibinahagi ni BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkakaaresto kay Nam Sundong, 37, sa loob ng isang tirahan sa Manuyo Dos, Las Pinas City ng mga elemento ng kanilang fugitive search unit (FSU).
Naiulat na pinaghahanap si Nam sa South Korea dahil sa pag-set up ng mga lugar para sa pagsusugal na labag sa criminal act ng bansa. Siya rin ay paksa ng isang red notice ng Interpol kasunod ng warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ng Ulsan District Court noong 2023.
Sa isang hiwalay na operasyon sa parehong araw, inaresto ng mga ahente ng FSU si Lee Hyunhak, 23-anyos, sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue, Clark, Pampanga.
Si Lee ay sinasabing pinaghahanap para sa pagpupuslit ng droga, matapos umanong makipagsabwatan sa mga nag-import ng 480.85 gramo ng methamphetamine sa Korea, bilang paglabag sa Republic of Korea’s Act on the Aggravated Punishment of Narcotics Smuggling. Ang mga nakapuslit na droga ay umabot sa 500,000 Korean Won o mahigit P208,000.
Isang Interpol Red Notice ang inilabas din noong unang bahagi ng buwan laban kay Lee matapos maglabas ng warrant ang Busan District Court para sa pag-aresto sa kanya.
Parehong binawi ng gobyerno ng Korea ang kanilang mga pasaporte. Ang dalawa ay mananatili sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang kanilang deportasyon. Jay Reyes