MANILA, Philippines – Inirekomenda ni Senador Raffy Tulfo nitong Miyerkules, Agosto 21, ang suspensyon ng dalawang pulis-Makati dahil sa bigong pag-aresto sa SUV driver na nag-counterflow sa EDSA busway noong nakaraang buwan.
Sa pagdinig ng Committee on Public Services, kinilala ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes ang dalawang pulis na sina Police Staff Sergeant Christian Roxas at Patrolman Faily dela Cruz, na kapwa dumating sa lugar ngunit hindi inaresto ang motorista Kahit na amoy-alak ito.
“Patrolman dela Cruz and Staff Sergeant Roxas, ire-rekomenda ko na kayo’y paparusahan—that, I can assure you—dahil lumilitaw na selective kayo. Kapag mayaman, lusot. Kapag mahirap, kulong. Ba’t ganon? Dapat the law applies to everybody,” tanong ni Tulfo.
“Sigurado ako kung ‘yun ay naka-motorsiklo o security guard, o sabihin na nating delivery driver, kulong na ‘yun. Diba? Kung family driver, nagda-drive sa busway nang lasing tapos dumating kayo, sigurado ako kulong ‘yun,” dagdag pa niya.
Noong Hulyo, matatandaan na nag-init ang ulo ng mga pasahero ng bus na sinalubong ng nag-counterflow na SUV sa EDSA busway.
Kinilala ang drayber ng SUV na si Christoper Lim de Vera, na nagmatigas pa ng ilang minute Kahit na siya naman ang nasa maling linya.
Kalaunan ay napag-alaman na sa halip na dalhin sa presinto ay inihatid pa ng mga pulis si De Vera sa condominium nito sa Taguig City.
Nauna nang sinabi ng MMDA na nakatanggap ng ticket ang drayber mula sa ahensya dahil sa reckless driving at illegal counterflow.
Sa kabila nito, ipinaliwanag na hindi ito deputized para maghain ng reklamo sa driving under the influence of alcohol, lalo pa’t kailangan ng breath analyzer test result na ang makagagawa lamang ay ang pulis o tauhan ng Land Transportation Office (LTO).
Ani Tulfo, nilabag ng drayber ang Republic Act No. 10586, o kilala bilang Anti-Drunk and Drugged Driving Law.
“Dito, binaby niyo ang isang taong may kaya sa buhay. Hindi kayo naging patas, hindi niyo ginawa ang tungkulin niyo nang tama, therefore I would recommend na kayong dalawa ay ma-suspinde rin,” sinabi ni Tulfo. RNT/JGC