MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Environmental and Natural Resources na ang greenish o yellowish tint na nakita sa ilang bahagi ng Taal Lake ay walang kinalaman sa pinakabagong volcanic activity.
Sa pahayag nitong Martes, Agosto 20, sinabi na namataan ang manilaw-nilaw o berdeng tubig sa mga bayan ng Talisay, Balete, Tanauan at So. Tabla (Tuuran at Bignay).
Ipinaliwanag ng DENR na ang naturang phenomenon ay dahil sa “algal bloom” na sanhi ng mataas na bilang ng phytoplankton sa lugar.
“Ang nasabing pangyayari ay walang kaugnayan at/o may koneksyon sa kasalukuyang aktibidad ng bulkang Taal… Ito rin ay maaring sanhi ng mainit na paahon, kalmado at mataas na lebel ng nutrients sa tubig,” saad sa pahayag.
Sa kabila nito, nagbabala ang DENR sa publiko na iwasan ang direct contact sa tubig upang maiwasan ang posibleng iritasyon at side effects ng naturang phenomenon.
“Hinihikayat ng aming Tanggapan ang mga mamamayan na maging mapagmatyag at agad ipagbigay alam sa mga kinauukulan kung may kakaibang pangyayaring napansin at/o nasaksihan,” dagdag pa. RNT/JGC