MANILA, Philippines – Isinailalim na sa isolation at testing ang dalawang residente ng Singapore na sakay ng cruise ship kung saan nakapagtala ng outbreak ng hantavirus, ayon sa Communicable Diseases Agency (CDA) nitong Huwebes, Mayo 7.
Matatandaan na tatlong indibidwal ang nasawi sa outbreak sa MV Hondius, habang walo katao ang pinaniniwalaang nahawa din sa virus.
Ang hantavirus ay naikakalat sa pamamagitan ng mga rodent ngunit maaari ring maipasa sa tao.
Nasa edad 67 at 65 ang dalawang residente ng Singapore na isinailalim sa isolation, ayon sa National Centre for Infectious Diseases.
Sila ay sakay ng MV Hondius nang ito ay umalis sa Argentinian port ng Ushuaia noong Abril 1
“One has a runny nose but is otherwise well, and the other is asymptomatic. The risk to the general public in Singapore is currently low,” ayon sa CDA.
Kung magnenegatibo sa hantavirus ay isasailalim pa rin sa quarantine ng 30 araw ang mga ito mula sa petsa ng huling exposure, at kung magpositibo ay mananatiling nasa ospital at isasailalim sa monitoring at gamutan.
Ang dalawa ay nakababa na ng barko ngunit nasa kaparehong flight ng kumpirmadong kaso ng hantavirus mula sa St Helena patungong Johannesburg noong Abril 25. RNT/JGC