Home METRO 2 sa 4 Tsino, arestado sa panghoholdap sa kolektor ng Pasay condo

2 sa 4 Tsino, arestado sa panghoholdap sa kolektor ng Pasay condo

1
0

MANILA, Philippines – Dalawang Chinese national ang nadakip ng Pasay City Police habang dalawa pa nilang kasamahan ang nakatakas matapos holdapin ang isang kolektor ng condo nitong Martes ng madaling araw, Hunyo 30.

Kinilala ni Pasay City Police chief P/Col. Joselito De Sesto ang mga nadakip na suspek na sina Yanchi Li, 29, at Huaihua Zou, isang photographer.

Ikinasa naman ang manhunt operation laban sa dalawa pang suspek na kinilalang sina Xiaofei Yang, 36, at Vi Nao, 36, na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na nakalalaya.

Base sa ulat na isinumite ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco, inaresto sa ikinasang follow-up operation ang dalawang nabanggit na suspek bandang alas-3:55 ng umaga sa Unit 545, Fifth Floor, Tower B, Shore I Residences sa Barangay 76, Pasay City.

Ayon kay De Sesto, nagtungo ang biktimang si Miguel Paolo, 30, sa inuupahang condo unit ni Li upang singilin ang bayad sa renta, ngunit itinulak siya sa loob ng kuwarto ng suspek.

Sinabi ni Paolo na ang isa sa mga suspek ay tinutukan siya ng baril habang may nagtatali sa kanyang dalawang kamay at pinagbawalan siyang lumabas ng condo unit.

Habang nakatutok ang baril, pinuwersa umano ng mga suspek ang biktima na maglipat ng pera mula sa kanyang online accounts patungo sa ibinigay na bank account, kung saan naipadala niya ang P50,000 mula sa kanyang BDO online banking account, P6,500 mula sa kanyang GCash account, at $2,280 na cryptocurrency na katumbas ng P139,992.

Matapos masunod ang kagustuhan ng mga suspek, kinuha pa ng mga ito ang cellular phone at iba pang mahahalagang gamit ng biktima bago tumakas.

Makaraan lamang ang ilang sandali matapos siyang abandonahin ng mga suspek, pilit na tinanggal ng biktima ang pagkakatali sa kanyang mga kamay at humingi ng tulong sa naka-duty na security guard, na siya namang sumama sa kanya upang ireport sa MOA Police Substation ang pangyayari.

Agad namang nagkasa ng follow-up operation ang Pasay City Police at natunton ang kinaroroonan ng mga suspek sa pamamagitan ng tracking application ng cellular phone na kinuha sa biktima. Inaresto si Li sa ikawalong palapag ng Jinjiang Hotel, Service Road, Roxas Boulevard, Pasay City, habang si Zou naman ay papalabas sa naturang hotel.

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here