Home METRO 2 sa 6 suspek sa Koronadal pawnshop robbery case natukoy na

2 sa 6 suspek sa Koronadal pawnshop robbery case natukoy na

MANILA, Philippines- Natukoy na ang pagkakakilanlan ng dalawa sa anim na indibidwal na nanloob sa isang pawnshop sa Koronadal City, South Cotabato, noong February 21, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Inilahad ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo na natukoy ng mga awtoridad ng Koronadal City ang dalawang suspek sa pamamagitan ng salaysay ng mga testigo, subalit hindi pinangalanan ang mga ito.

“They got affidavits from the witnesses and positively identified two of the six suspects that robbed the jewelry shop. Those identified include one wearing a police uniform topped with a black jacket,” ani Fajardo sa isang press briefing nitong Biyernes.

“As for the other man, also wearing a police uniform with a gray jacket, we are still validating the information we received from Koronadal authorities,” dagdag niya.

Nauna nang inihayag ng PNP na dalawa sa anim na kalalakihan ay nakasuot ng police athletic uniforms nang pumasok sa isang pawnshop at kalaunan ay sinamahan ng iba pa at inagawan ng armas ang security guards. Matapos nakawan ang establisimiyento, tumakas ang anim bitbit ang bag, batay sa CCTV footage.

Subalit, iniwan ng mga suspek ang kanilang mga uniform at motorsiklong ginamit, na kasalukuyang isinasailalim sa DNA examination, ani Fajardo.

Inilahad pa niya na isa sa mga kawatan na natukoy nila ang mayroon nang naunang kaso ng holdup at robbery.

Noong February 24, nag-alok ang pamahalaan ng Koronadal ng P500,000 sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magreresulta sa ikaaaresto ng mga suspek, base kay PNP chief Benjamin Acorda Jr.

Ani Acorda, ang pabuya “is essential to remind everyone that we don’t tolerate the misuse of our police uniform, particularly for committing heinous crimes which will be meted with legal consequences.”

Sinabi pa niya na ipinagbabawal ng Article 179 ng Revised Penal Code na magsuot ang mga sibilyan ng police at military uniforms, partikular habang nagsasagawa ng mga kahina-hinalang aktibidad o paglabag sa batas.

Sa ilalim ng batas, ang mga magpapanggap na pulis o sundalo ay pagmumultahin ng P2,000 hanggang P5,000 at maaaring makulong ng anim o higit pang taon. RNT/SA

Previous articlePagkakasibak sa serbisyo pinalagan ng mga parak na sangkot sa Jemboy Baltazar case
Next article20% discount sa OTC drugs makukuha ng mga senior kahit walang reseta