Home NATIONWIDE Pagkakasibak sa serbisyo pinalagan ng mga parak na sangkot sa Jemboy Baltazar...

Pagkakasibak sa serbisyo pinalagan ng mga parak na sangkot sa Jemboy Baltazar case

MANILA, Philippines- Umapela ang walong dating pulis na sangkot sa pagkamatay ng 17-anyos na mistaken identity victim na si Jerhode “Jemboy” Baltazar, laban sa pagkakasibak nila sa serbisyo, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes.

Sa isang press conference, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo nainihain ng walong pulis ang kanilang apela sa appeal sa Regional Appellate Board noong November 2023.

“Under appeal po sila. ‘Yung mga na-dismiss po nag-appeal po sila as early as November 2023. Na-dismiss po sila September. I was informed earlier na nag-submit po sila ng appeal sa Regional Appellate Court,” wika ng opisyal.

Anim sa walong parak ang kinasuhan sa pagkapatay kay Baltazar, na nasawi noong Aug. 2, 2023. Mangingisda sana ang binata nang barilin ng Navotas City police na may tinutugis na shooting suspect sa Barangay NBBS Kaunlaran.

Noong September 2023, inaprubahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang rekomenasyon ng PNP Internal Affairs Service (PNP IAS) na patalsikin sa serbisyo ang walong pulis. Batay sa ulat, nahatulan silang guilty sa administrative cases kabilang ang grave irregularity in the performance of duty at conduct unbecoming of a police officer. 

Nagpaputok ng baril ang anim na parak sa pursuit operation, habang ang dalawa ang kanilang team leaders.

Nitong Martes, tanging si Police Staff Sergeant Gerry Maliban ang tinukoy ng Navotas Regional Trial Court Branch 286 na guilty sa homicide, na may sentensyang apat hanggang anim na taong pagkakabilanggo.

Sa anim na akusado, si Police Staff Sergeant Antonio Bugayong lamang ang napawalang-sala. Batay sa korte, walang conflicting accounts kung nagpaputok si Bugayong ng baril o hindi.

“Kahit na-acquit po siya sa criminal case, hindi po automatic na mare-reverse po yung findings of guilt sa kanya sa administrative case,” giit ni Fajardo.

Binanggit pa ng opisyal na iba ang mga ebidensyang iprinisenta para sa kanilang criminal cases mula sa kanilang administrative cases.

Para sa illegal discharge of firearms na may sentensyang apat na buwan at isang araw na pagkakakulong, hinatulang guilty ng Navotas court ang apat na dating pulis— Police Executive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Edmark Jake Blanco, at Patrolman Benedict Mangada.

Sa kabila ng hatol na guilty laban sa kanila, tinuring na natapos na ang kanilang four-month prison sentence dahil sa kanilang preventive imprisonment na nagsimula noong Oct. 6 ng nakaraang taon.

Ipinag-utos naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Martes sa Department of Justice (DOJ) na iapela ang ibinabang desisyon ng korte laban sa anim na dating pulis. Sinabi ng pamilya Baltazar na iaapel nito ang court decision.

Matatandaang inihayag ng mga pulis na ang pagpaslang sa binatilyo ay kaso ng mistaken identity. Napag-alaman ng Navotas court na nagpaputok ng baril sina Balais, Esquilon, Blanco, at Mangada sa tubig, subalit “lacked the intention to kill the victim.”

Batay sa autopsy, dalawang beses tinamaan ng bala si Jemboy, isa sa ulo at isa sa kanang kamay.

Base naman sa kanyang death certificate, ang dahilan ng pagkasawi ni Jemboy ay tama ng bala sa ulo at asphyxia mula sa pagkalunod. RNT/SA

Previous articleKulang na suplay ng tubig sa gitna ng El Niño inaasahang maiibsan ng Upper Wawa Dam
Next article2 sa 6 suspek sa Koronadal pawnshop robbery case natukoy na