Home NATIONWIDE 2 SAF commandos sibak sa sideline na security escort sa Tsino

2 SAF commandos sibak sa sideline na security escort sa Tsino

MANILA, Philippines – Sinibak sa puwesto ang dalawang miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) dahil sa pagkakasangkot sa alarma at iskandalo na insidente sa loob ng Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City.

Sa isang pahayag, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ang dalawang SAF commando — Cpl. George Mabuti at Pat. Roger Valdez — ay napag-alamang nagtatrabaho bilang hindi awtorisadong security escort ng isang Chinese na opisyal ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Lumabas sa imbestigasyon na parehong hindi gumaganap ng kanilang mga opisyal na tungkulin sina Mabuti at Valdez sa kani-kanilang unit — ang 52nd Special Action Company Zamboanga for Mabuti at ang 55th Special Action Company Zamboanga para kay Valdez.

Nag-ugat ito sa insidente kung saan humingi ng tulong sa pulisya ang isang security guard ng subdivision dahil sa mga reklamo ng mga residente tungkol sa kaguluhan na idinulot ng dalawang pulis sa lugar noong Mayo 18.

Nagtungo sa lugar ang mga miyembro ng Ayala-Alabang Police Sub-Station 5 at inaresto ang dalawang pulis na noon ay nakipagsuntukan.

Nasa kustodiya na ngayon ng Muntinlupa City Police Station ang dalawa at mahaharap sa kasong alarm and scandal. Santi Celario