Home NATIONWIDE Zubiri dismayado sa pagtraydor ng ilang kasamahan

Zubiri dismayado sa pagtraydor ng ilang kasamahan

MANILA, Philippines – Ang hirap talaga maging pulitiko.

Ito na lang ang naging hinaing ni Senador Juan Miguel Zubiri kasabay ng pagbunyag na maaga nakini-kinita na niya na nang mas maaga ang balak na pagpapatalsik sa kanya noong kalagitnaan ng nakaraang linggo.

Bukod dito, sinita niya rin ang ilang kanyang mga kasamahan na nauna nang nagpahayag sa kanya ng buong suporta sa liderato sa Senado.

“‘Yung Wednesday po, alam ko, nagkikita, nag-usap-usap po sila. Ang kabilang grupo. And ‘yun. Nag-umpisa na po,” ani Zubiri.

“Medyo masama nga po ang loob ko. Meron pang mga nagte-text sa akin. ‘We’re with you’, ‘Full support po kami’, ‘Kami po ay 100 percent sa ‘yo’,” aniya pa.

“Wala pang isang araw, wala na. Ang hirap talagang maging pulitiko,” ani Zubiri.

Nang tanungin kung ang grupo ng bagong Senate President na si Francis “Chiz” Escudero ay nakipag-usap sa kanya, sinabi ni Zubiri na hindi.

“‘Yung nakipag-usap sa ‘kin ‘yung nag-traydor sa akin,” ani Zubiri.

“Full support. Ngayon, no support… Pero okay lang ‘yun. I don’t want to rain on the parade of Senator Escudero,” aniya.

Sa kabilang banda, ipinahayag ni Zubiri ang kanyang pasasalamat sa mga senador na nanatili sa kanya hanggang sa huli.

Ang mga sumuporta kay Zubiri hanggang sa huli ay sina Senators Loren Legarda, Joel Villanueva, JV Ejercito, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian, Nancy Binay, at Ronald “Bato” dela Rosa.

Lahat sila maliban kay Gatchalian at Dela Rosa ay umalis sa kanilang mga posisyon at sa kanilang committee chairmanship matapos ang pagbibitiw ni Zubiri bilang Senate chief.

Samantala, napanatili ng minority bloc na binubuo nina Senator Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at Senator Risa Hontiveros ang status quo. RNT