Home NATIONWIDE 2 sangkot sa illegal recruitment inaresto sa NAIA

2 sangkot sa illegal recruitment inaresto sa NAIA

MANILA, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation -International Airport Investigation Division (NBI-IAID) ang dalawang indibidwal sa NAIA Terminal 1 sa Pasay na sangkot sa illegal recruitment ng mga sindikato.

Kinilala ang mga naaresto na sina Katherine May Paderes y Ayson at Catherine Buquis y Mata.

Kasama ang dalawa na napigil sa NAIA ng anim na iba pa patungong Hong Kong na pinaniniwalaang mga biktima ng illegal recruitment.

Ang walong pasahero ay itinurn-over sa NBI-IAID para sa karagdagang imbestigasyon kung saan natuklasan na ang anim na biktima at iba pa ay na-recruit ni Paderes sa pamamagitan ng agency na Worldstar International Manpower Services Corporation para magtrabaho sa Malta.

Bilang kapalit, nagbayad ang mga biktima para sa recruitment process.

Sa beripikasyon na ginawa kasama ng Department of Migrant Workers (DMW) -Licensing and Regulation Bureau, lumitaw na ang mga suspek ay hindi otorisado o lisensyado ng DMW upang magrecruit ng manggagawa.

Dahil dito, ang dalawa ay inaresto at ipinrisinta sa inquest proceeding para sa kasong “qualified trafficking at large scale illegal recruitment by a syndicate.” Jocelyn Tabangcura-Domenden