CAUAYAN CITY, Isabela – Bumagsak sa kamay ng alagad ng batas ang dalawang security guard sa isinagawang entrapment at buy-bust operation sa pagbebenta ng baril dito sa nasabing.
Sa ipinarating na ulat kay PCol. Lee Allen. B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang mga suspek ay kinilalang sina Jhondy Cam-Ani, 23 anyos, residente ng Brgy. Durok Angadanan, Isabela at si Jerome Neguera, 29-anyos, at residente naman ng Brgy. Macugay Luna, Isabela.
Nadakip ang mga suspek matapos silang magbenta ng baril sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nakumpiska mula sa kanila ang isang unit ng 12 Gauge Shotgun at isang unit ng caliber 38 na parehong walang serial number, anim na pirasong bala ng caliber 38, 500 peso bill at P20,000 na boodle money at ibang personal na gamit.
Bago ang isinagawang operasyon ay nakatanggap umano ang CIDG Unit ng impormasyon mula sa isang civilian informant na nagsabing nag-aalok ang mga suspek na magbenta ng mga hindi lisensyadong baril sa pamamagitan ng social media at iba pang online communication platforms.
Ang napagkasunduan umanong tagpuan ng transaksyon ay sa Diffun, Quirino ngunit habang papunta sa lugar, nag-text ang mga suspek sa confidential informant na pinalitan ang venue sa San Fermin, Cauayan City, Isabela, kung saan naganap ang buy-bust operation.
Naging matagumpay ang operasyon sa pagtutulungan ng CIDG Quirino bilang lead team, CIDG Isabela, Regional Intelligence Unit 2 at IPPO. Rey Velasco