Home NATIONWIDE Recto kumpiyansa sa pagpirma ni PBBM sa VAT on foreign digital services...

Recto kumpiyansa sa pagpirma ni PBBM sa VAT on foreign digital services bill

Si Department of Finance Secretary Ralph Recto sa isinagawang Kapihan sa Manila Bay Forum nitong Miyerkules, Agosto 7, 2024. CRISMON HERAMIS

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kumpiyansa si Finance Secretary Ralph Recto nitong Miyerkules, Agosto 7, na pipirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang isang batas ang panukalang naglalayong maningil ng 12% value-added tax sa digital services na iniaalok ng mga dayuhan.

Sa Kapihan sa Manila Bay news forum, sinabi ni Recto na naghahanda na ang Department of Finance, kasama ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs, ng implementing rules and regulations para sa naturang hakbang.

“Alam namin magiging batas ‘to at pipirmahan ng Pangulo ‘to… Sinusuportahan namin to,” ani Recto.

Noong Hunyo, inaprubahan ng mga mambabatas ang harmonized version ng House Bill 4122 at Senate Bill 2528 kasabay ng bicameral conference.

Ang reconciled version ng panukala ay naglalayong magpataw ng 12% VAT sa digital transactions sa non-resident digital service providers katulad ng Netflix, Disney, at HBO.

Ani Recto, inaasahang aabot sa P20 bilyon kada taon ang tinatayang kita na makokolekta ng pamahalaan mula sa VAT sa digital services. RNT/JGC