Home NATIONWIDE 2 senior execs umalis sa DA kasunod ng balasahan

2 senior execs umalis sa DA kasunod ng balasahan

MANILA, Philippines – Dalawang senior executives ang umalis ng Department of Agriculture, ito ay sa kalagitnaan ng reshuffle sa liderato na sinimulan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Si Senior Undersecretary Domingo Panganiban, na second-in-command nang kalihim pa ng ahensya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay namaalam na noong Enero 1.

Siya ay ginawaran ng Service Recognition Award noong Disyembre 2023.

Nauna nang sinabi ni Panganiban na ang kanyang serbisyo sa ahensya ay “transitory,” hanggang sa makapag-appoint si Marcos Jr. ng permanent secretary.

Dagdag pa, si Undersecretary Leo Sebastian, na humawak ng Masagana Rice Industry Development Program mula noong Pebrero 2023, ay piniling magretiro, ayon kay DA spokesperson at Assistant Secretary Arnel De Mesa.

Ang retirement ni Sebastian ay iiral sa Pebrero.

Bago rito, itinalaga ni Laurel si Sebastian bilang bahagi ng Secretary Technical Advisory Group (STAG), “to leverage his deep understanding of the farm sector, particularly rice production.”

Noong 2022, si Sebastian, na dati ay “most senior undersecretary,” ay humarap ng kontrobersiya sa pagpirma sa sugar importation order.

Bumaba sa pwesto si Sebastian nang panahong iyon, at kalaunan ay ni-reappoint ng Pangulo bilang pinuno ng Masagana Rice Industry program.

Kasalukuyang nagkakaroon ng balasahan sa major officials sa departamento.

Si Director U-Nichols Manalo ay itinalaga bilang director ng national rice program, kasunod ng posisyon nito bilang officer-in-charge (OIC) ng Field Operations Service at director ng National Corn Program.

Si OIC-Undersecretary for Operations Roger Navarro ay magsisilbi naman bilang OIC-Undersecretary for Rice Industry Development, OIC-National Project Director of the Philippine Rural Development Project, at OIC-Assistant Secretary for Operations.

Pinangalanan bilang Undersecretary for Policy, Planning and Regulations si Undersecretary for Fisheries Drusila Esther Bayate.

Samantala, inilagay si Undersecretary Mercedita Sombilla para pangasiwaan at makipag-coordinate sa mga programa ng DA Bureaus.

Si Assistant Secretary Arnel de Mesa ay inilagay bilang full-time spokesman ng DA.

Si Chief Administrative Officer at OIC Director for Financial and Management Service Thelma Tolentino inilagay bilang Undersecretary-designate for Finance.

Habang inatasan naman si Undersecretary Agnes Catherine Miranda na mangasiwa sa operasyon at makipag-coordinate sa mga programa ng DA Attached Agencies and Corporations.

“Ang ating Secretary ngayon, ginagawa ito para mas maging episyente, mas maging epektibo ang operations and management ng ating Department as a whole,” ani De Mesa.

Sinabi ng DA na magkakaroon pa ng mas maraming paggalaw sa ahensya sa mga susunod na buwan. RNT/JGC

Previous articleSa pagbagal ng inflation, 2023 target ‘di pa rin naabot
Next articleAFP nangako, ‘moves as one’ vs banta sa nat’l security