Home HOME BANNER STORY Sa pagbagal ng inflation, 2023 target ‘di pa rin naabot

Sa pagbagal ng inflation, 2023 target ‘di pa rin naabot

MANILA, Philippines – Sa kabila ng pananatili ng mas mabagal na inflation sa 3.9% noong Disyembre, naitala naman ang full-year average sa 6%, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes, Enreo 5.

Sa datos mula sa PSA, naitala na ang inflation rate ay mas mababa pa sa 4.1% na naitala noong Nobyembre.

Ang December rate ay pasok sa 3.6% hanggang 4.4% na forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa nasabing buwan.

Sa kabila nito, hindi sapat ang datos noong Disyembre para pababain ang annual average rate noong nakaraang taon.

Pumalya ang pamahalaan sa 2% hanggang 4% inflation target rate nito.

Sa briefing, sinabi ni National Statistician Dennis Mapa na ang “main sources of deceleration” ay ang pabahay, tubig, kuryente, gas, pagkain at non-alcoholic beverages.

Ani Mapa, ang inflation rate sa Metro Manila ay bumaba rin sa 3.5% noong Disyembre. Ang mga lugar naman sa labas ng Metro Manila ay nakapagtala ng mas mababang inflation sa 4%.

Dagdag pa ng opisyal, tanging walong rehiyon ang nakapagtala ng mas mabagal na inflation.

Ang Bangsamoro ang may pinakamataas na inflation rate noong nakaraang buwan sa 6.2%, habang ang Cagayan Valley ang may pinakamabagal sa 1.6%.

Nauna nang sinabi ng BSP na umaasa itong ang inflation rate ay babalik sa target path sa unang quarter ng taong kasalukuyan.

Sa kabila nito, sinabi ng BSP na ang balance of risks sa inflation “continues to lean significantly toward the upside” dahil sa inaasahang epekto ng El Niño sa transportasyon, langis, pagkain at kuryente.

“Looking ahead, the Monetary Board deems it necessary to keep monetary policy settings sufficiently tight until a sustained downtrend in inflation becomes evident,” anang BSP.

Siniguro ni Marcos na patuloy na gagawa ng hakbang ang administrasyon upang mapababa pa ang inflation at mapalakas ang ekonomiya ng bansa. RNT/JGC