Home NATIONWIDE 73% ng jeepneys, nakapag-consolidate sa PUV modernization – LTFRB

73% ng jeepneys, nakapag-consolidate sa PUV modernization – LTFRB

MANILA, Philippines – Tanging 73% lamang ng mga jeepney sa bansa ang nakapag-consolidate para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), iniulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Biyernes, Enero 5.

“As of this time, we already have 76% or 145,721 in terms of the units for UV Express and the public utility jeepneys (PUJs),” pahayag ni LTFRB board member Riza Marie Paches sa press conference.

“For UV Express, nasa 82% na po iyong consolidation rate and for the PUJ that is 73.96%,” dagdag pa niya.

Ang aplikasyon para sa consolidation ng jeepney operators sa mga kooperatiba ay nagtapos noong Disyembre 31, 2023.

Hindi na papayagang makabiyahe simula Lunes, Enero 1, 2024 ang mga nabigo na makapag-consolidate, partikular na sa mga ruta na nasa 60% ng PUVs ang nakapagpasa na ng aplikasyon.

Papayagan naman hanggang Enero 31 ang mga jeepney driver sa mga ruta na may mas mababa sa 60% na consolidation o zero consolidation.

Sa National Capital Region, sinabi ni Paches na batay sa kabuuang bilang ng mga prangkisa, tanging 51% lamang ang nakapagconsolidate ng mga jeepney.

Ngunit batay sa bilang ng kumpirmado at rehistradong jeepney units, sinabi pa ni Paches na 97% o 21,685 PUJs na ang nakapag-consolidate sa Metro Manila.

Matatandaan na noong Disyembre 28, hinimok ng Supreme Court ang DOTR at LTFRB na magkomento sa petisyon na inihain para ipatigil ang implementasyon ng PUVMP.

Ang petisyon ay inihain ng ilang grupo kabilang ang PISTON, Para-Advocates For Inclusive Transport, No to PUV Phaseout Coalition, at Bayan Muna party-list.

“Considering the allegations contained, the issues raised, and the arguments adduced in the petition, but without necessarily giving due course thereto, respondents DOTr and LTFRB should comment on the petition and on the urgent application for a Temporary Restraining Order (TRO) and/or writ of preliminary injunction within a non-extendible period of 10 days from notice hereof,” saad sa kautusan ng SC.

“Now, therefore, you, respondents DOTr and LTFRB are hereby required to comment on the petition and on the urgent application for a TRO and/or writ of preliminary injunction within a non-extendible period of 10 days from notice hereof,” dagdag pa. RNT/JGC

Previous articleKaso ng ligaw na bala sa Bagong Taon, nadagdagan ng 4 – DOH
Next articleSa pagbagal ng inflation, 2023 target ‘di pa rin naabot