Home HOME BANNER STORY 2 senior patay sa stampede

2 senior patay sa stampede

ZAMBOANGA CITY- Patay ang isang 65-anyos na lolo at isa pang senior citizen habang 12 ang sugatan matapos maipit sa stampede sa umano’y payout ng mga poll watcher, noong Biyernes sa lungsod na ito.

Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Zamboanga City Medical Center ang dalawang senior citizen habang nilapatan naman ng lunas ang 12 kataong sugatan.

Sa kumalat na video sa social media, sinugod ng higit sa 100 residente ang isang hotel noong Biyernes ng umaga kung saan gaganapin umano ang poll watcher orientation bilang paghahanda sa gaganaping eleksyon sa Lunes, May 12, 2025.

Subalit, nakarating sa mga residente na namimigay ng tig-P2,000 ayuda ang isang politiko dahilan para dagsain ito.

Kabilang ang dalawang senior citizen sa mga pumila hanggang sa hindi na makapaghintay ang iba na umabot sa kanilang pila hanggang sa nag-uunahan na lamang ang ito na makakuha ng ayuda na nauwi sa stampede.

Agad namang dinala sa nasabing ospital ang dalawang matanda subalit idineklara na ring patay ang mga ito ng umatending doktor.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente at kung may kinalaman ang ilang politiko sa naturang lungsod at papanagutin. Mary Anne Sapico