Home NATIONWIDE Pre-voting enrollment para sa overseas voters sa Eleksyon 2025 pinalawig ng Comelec

Pre-voting enrollment para sa overseas voters sa Eleksyon 2025 pinalawig ng Comelec

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapalawig ng pre-voting enrollment para sa internet voting ng mga botante sa ibang bansa hanggang sa Araw ng Halalan, Lunes, Mayo 12, alas-12 ng tanghali.

“Registered Overseas Voters in the 77 Posts adopting Internet Voting may enroll until 12 May 2025, 12:00 noon Philippine Standard Time in order to avail of Internet Voting,” sinabi ng Comelec sa isang post sa Facebook noong Sabado.

Ang pagpapalawig ay kinumpirma ni Comelec Chairman George Garcia.

“Hanggang bukas na po puwede pa kayong mag-enroll, makahabol para makaboto itong ating eleksyon na midterm national. Sa national po sila, sa senador at sa party-list,” dagdag pa ni Garcia.

Sinabi ng Comelec na maaaring mag-enroll ang mga botante sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagpunta sa https://ov.comelec.gov.ph/enroll.

Kailangang mag-enroll muna ang mga botante sa Online Voting and Counting System (OVCS) bago sila makaboto sa pamamagitan ng internet.

Nagsimula ang pagboto sa ibang bansa noong Abril 13 at magtatapos sa Araw ng Halalan, Mayo 12, 7 p.m., Philippine Standard Time (PST).

Hinimok ni Garcia ang mga Filipino abroad na registered voters na nag-enroll sa PVCS na bumoto via internet.

Unang itinakda ng Comelec ang deadline noong May 7 para sa pre-voting enrollment. Pinalawig ito ng Comelec hanggang May 10 at naging May 12.

Noong May 6, 2025, mayroong 200,000 overseas Filipino voters ang nagrehistro para sa pre-voting enrollment system ilang linggo matapos buksan ng Comelec ang registration period noong March 20.

Mayroong 69.6 milyong registered voters para sa May 12 elections. Sa nasabing bilang, 68.4 milyon sa Pilipinas habang 1.2 milyon ang overseas voters. Jocelyn Tabangcura-Domenden