Home HOME BANNER STORY 2 sugatan sa pagguho ng lumang bahay sa Binondo

2 sugatan sa pagguho ng lumang bahay sa Binondo

1
0

MANILA — Dalawang katao ang nasugatan matapos gumuho ang isang dalawang-palapag na lumang bahay sa Sevilla Street, Barangay 272, Binondo, Maynila, gabi ng Oktubre 1, 2026.

Batay sa incident report, nangyari ang pagguho dakong 8:30 hanggang 8:40 ng gabi, habang naiulat naman sa mga awtoridad bandang 9:21 ng gabi.

Ayon sa mga residente, nakarinig muna sila ng malakas na dagundong bago tuluyang bumagsak ang bahay.

Tinamaan ng yero ang isang tindera ng palamig at ang kanyang customer na kinilalang si Ian Kyle Torres, 13, na nagtamo ng mga pasa sa bahagi ng noo at ulo at bahagyang sugat sa kanang braso.

Ang tindera naman ay kinilalang si Maribelle Nepomuceno, 29-anyos at tenant ng palamigan, matapos tamaan ng bubong at magtamo ng pasa sa ulo.

Kapwa isinugod sina Torres at Nepomuceno sa Jose Abad Santos General Hospital (JJASGEN) sakay ng Toktok para sa agarang pagsusuri at paggamot.

Tatlo pang katao ang nasa lugar nang mangyari ang insidente ngunit hindi nagtamo ng sugat.

Kabilang dito ang 26-anyos na tindera na si Cindy Openano, 51-anyos na si Dolores Perez, at 5-anyos na batang si Marvin Marzol.

Ayon sa ulat, nailabas ang mga nasa loob ng gumuhong istruktura sa tulong ng asawa ng may-ari ng palamigan at mga bystander.

Sinasabing mahigit 70 taon nang nakatayo ang bahay na pag-aari ni Fernando Ang. Wala naman umano ang pamilya ng may-ari ng bahay nang mangyari ang pagguho dahil dumalo sila sa kanilang pagsamba.

Napagitnaan ang lumang bahay ng dalawang malalaking gusali—isa ang kasalukuyang ginagawa at ang isa naman ay natapos na.

Agad na nagsagawa ng assessment ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (Manila DRRMO) at Manila Police District (MPD) upang matukoy ang posibleng sanhi ng pagguho.

Kabilang sa tinitingnan ng mga awtoridad ang kondisyon ng matagal nang nakatayong bahay at ang epekto ng mga istrukturang nakapaligid dito.

Bilang safety measure, isinara muna sa mga motorista ang apektadong bahagi ng Sevilla Street habang isinasagawa ang pagsusuri at clearing operations.

Inaasahang magtutungo sa nasabing lugar si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso upang personal na alamin ang sitwasyon at katayuan ng mga biktima gayundin ang ilang naapektuhan sa nabanggit na pagguho. JAY Reyes/Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here