Bulacan – Sugatan ang dalawang miyembro ng sindikato ng droga habang tinamaan din ng bala ang pulis sa buy-bust operation sa lungsod Meycauayan.
Kinilala ang mga sugatang suspek na sina alyas “Dan” at “Analyn” habang sugatan din si PCAPT Jocelyn Calvario, hepe ng Intelligence at Drug Enforcement Unit.
Sa report ng Meycauayan police station, ikinasa ang operasyon ng Special Drug Enforcement Unit (SDEU) nitong madaling araw ng Linggo, Nobyembre 17 sa Brgy. Pandayan.
Ayon sa report, nagsasagawa ng casing at surveillance operation ang mga operatiba ng SDEU lulan ng pribadong sasakyan sa nabanggit na lugar nang biglang paputukan ni Dan.
Nabatid na gumanti ng putok ang mga operatiba sa papatakas na mga suspek hanggang sa nakorner at naaresto ang mga ito.
Nang humupa ang mga putok ay kapwa nagtamo ng bala ang mga suspek habang si PCPT Calvario ay duguan din ang kaliwang binti.
Agad dinala sa pinakamalapit na ospital ang opisyal para sa paunang lunas kabilang ang dalawang suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.
Nasamsam sa operasyon ang nasa 800 gramo na hinihinalang shabu na may standard drug price na P5,440,000.00 at isang automatic 9mm Rifle (Uzi), mga magasin at bala. Dick Mirasol III