Home NATIONWIDE Bong Go: Paggamit ng mga pondo para sa kalamidad, irebyu 

Bong Go: Paggamit ng mga pondo para sa kalamidad, irebyu 

MANILA, Philippines- Dahil walang tigil o sunod-sunod ang mga natural na kalamidad sa bansa, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go, vice chairperson ng Senate committee on national defense and on finance, para sa isang transparent at komprehensibong pagsusuri sa paggamit ng mga pondo ng gobyerno para sa kalamidad.

Matapos ang matinding bagyong Kristine, Leon, Nika, Ofel, at Pepito na bumayo sa iba’t ibang rehiyon, binigyang-diin ni Go na kailangan ang pananagutan sa paglalaan ng pondo para sa kalamidad.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Nobyembre 16, bunsod ng Bagyong Kristine at Leon ay nagbakwit ang higit sa 168,000 indibidwal sa 9 rehiyon, at mahigit 2.4 milyong pamilya o higit sa 9.6 milyong indibidwal ang naapektuhan. Iniulat naman na 162 katao ang namatay, 137 ang nasugatan, at 22 ang nananatiling nawawala.

Tinamaan naman ng Bagyong Marce ang mahigit 110,841 pamilya at libu-libo ang lumikas. Samantala, ang Bagyong Nika, Ofel, at Pepito nakaapekto sa 110,410 pamilya sa ngayon. 

Dahil dito, sinabi ni Go na napakahalaga ng wastong paggamit ng mga pondo para sa sakuna gaya ng nilayon ng batas. Bagama’t ang ayuda o tulong pinansyal ay mahalagang bahagi ng pagtulong, idiniin ni Go na may nakalaan nang pondo para sa mga naturang layunin, halimbawa sa mga ahensiyang tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Ang pondo para sa kalamidad ay para sa mga nasalanta ng bagyo at hindi dapat nagagamit sa ibang bagay. Naiintindihan ko na kailangan ng ayuda, pero may hiwalay naman pong pondo at mga programa diyan na inilaan para sa mga nangangailangan. Dapat malinaw ang paggamit ng disaster funds upang mas mabilis makabangon ang mga apektadong komunidad,” idiniin ni Go.

Binanggit ni Go na dapat ay maging malinaw kung paano ginagamit ang mga pondong ito at at kinakailangan ang mahigpit na pangangasiwa upang maiwasan ang anumang potensyal na maling paggamit ng resources na inilaan para sa pagtugon sa kalamidad.

Ipinunto ni Go na sa panahon ng pandemya ng COVID-19, umapela siya ng karagdagang alokasyon upang mapunan ang lumiliit na pondo para sa kalamidad ng local government units (LGUs). Bilang tugon, inaprubahan ni dating  Pangulong Duterte ang increase upang suportahan ang recovery efforts na ginawa sa malinaw na paraan. 

“Kung noong pandemya, dinagdagan pa ang disaster funds ng LGUs, dapat ay ganoon din ngayon lalo na kung hindi na ito sapat,” sabi ni Go.

Habang patuloy na sinusubok ng mga bagyo ang katatagan ng bansa, nanawagan si Go sa kanyang mga kapwa mambabatas at ahensya ng gobyerno na unahin ang paghahanda sa sakuna at tiyakin na ang bawat pisong inilalaan para sa pagtugon sa kalamidad ay nagagamit nang wasto. RNT