Home METRO Metro Manila naghahanda na para sa pagbayo ni ‘Pepito’

Metro Manila naghahanda na para sa pagbayo ni ‘Pepito’

MANILA, Philippines- Dahil sa banta ng malakas na ulang dulot ni Super Typhoon Pepito sa pagdaan nito sa Luzon landmass ngayong Linggo ng hapon, sinimulan na ng local government units sa Metro Manila ang paghahanda.

Manila

Sa Maynila, nagsagawa ng pre-emptive evacuations sa mga lugar malapit sa water bodies, alinsunod sa kautusan ni Mayor Honey lacuna.

Sa President Corazon Aquino High School, patuloy ang pagdating ng mga residente galing coastal area sa Barangay 649, Baseco Compound, ayon sa ulat.

Base sa Manila Department of Social Welfare, 120 pamilya ang inilikas mula sa Barangay 649.

Samantala, dinala ang iba pang residenteng inilikas sa Delpan Evacuation Center sa Barangay 128.

Marikina

Sa Barangay Sto. Nino sa Marikina City, nakaantabay na ang rescue boats sakaling kailanganin, ayon sa ulat.

Navotas

Samantala, sa Navotas City, sinecure na ng mga mangingisda ang kanilang rafts at motor bancas upang hindi matangay ng malakas na hangin at alon, base sa ulat.

Ipinagbabawal din ang sea travel sa Manila Bay dahil kay Pepito.

Quezon City

Nagpatupad ng pre-emptive evacuation sa ilang flood-prone barangays sa Quezon City nitong Sabado.

Kabilang dito ang Barangays Masambong, Del Monte, Sto. Domingo, Talayan, Damayan at Mariblo sa District 1; Bagong Silangan sa District 2; Tatalon, Damayang Lagi, at Roxas sa District 4; at Apolonio Samson sa District 6, batay sa lokal na pamahalaan.

Nakasailalim ang Metro Manila sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2, ayon sa 11 a.m. bulletin ng PAGASA. RNT/SA