MISAMIS ORIENTAL, Philippines – Naaresto ang dalawang Army intelligence operatives matapos nilang i-escort ang dalawang pick-up trucks na may 60 sako ng ginto na nagkakahalaga ng P300,000 sa bayan ng Opol, Misamis Oriental, noong Lunes.
Ayon kay Captain Jhorlind Rico Apal, hinarang nila ang mga sasakyan—JMC Grand Avenue (ZAB 8446) at Toyota Hilux (MGH 811)—sa checkpoint sa Sitio Mahayahay, Barangay Limonda.
“Both pick-ups were loaded with alleged minerals transported from Barangay Limonda, a known site for illegal mining activities,” ani Apal.
Nakilala ang mga sundalo bilang Staff Sgt. Norman Quilatan, 47, at Staff Sgt. Ernesto Warain Jr., 46, miyembro ng Military Intelligence Battalion ng 10th Infantry Division.
Nakuha rin sa kanila ang dalawang Glock 17 pistols na standard-issue ng AFP.
Arestado rin ang pitong kasama nila, kabilang ang mga drayber ng pick-up.
Ayon kay Rodante Felina, regional director ng Mines and Geosciences Bureau, iniimbestigahan ang ulat na ang illegal na pagmimina sa lugar ay pinoprotektahan umano ng lokal na pulitiko.
Ang mga nasabing sundalo at kasama ay dinakip sa Opol town jail matapos magsampa ng kaso laban sa kanila para sa paglabag sa Philippine Mining Act of 1995. RNT/MND