BASILAN-SUGATAN ang dalawang sundalo matapos tambangan at pagbabarilin ng armadong kalalakihan ang kanilang sasakyan papuntang medical mission, kahapon ng tanghali sa bayan ng Al Barka.
Ayon kay Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade, naganap ang pananambang sa bahagi ng Barangay Magcawa Al Barka, Basilan habang sakay ng kanilang military vehicle ang mga sundalo kasapi ng 45th IB para sa medical mission sa naturang bayan.
Bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng baril ng mga armadong grupo na nagresulta sa pagkakasugat ng dalawang sundalo habang mabilis na tumakas ang mga suspek.
Agad naman nilapatan ng lunas ang dalawang sundalo at ngayon nasa ligtas ng kalagayan.
Sinabi ni Luzon na nakipag koordinasyon na rin siya sa pinuno ng Moro Islamic Liberation Front sa lugar ng pinangyarihan ng pamamaril para sa pagkakakilanlan ng mga suspek na responsable sa pag-atake./Mary Anne Sapico