KORONADAL CITY – NAG-ALOK ng P1 milyong pabuya si South Cotabato 2nd District Rep. Peter Miguel para sa makapagbigay ng impormasyon at madakip ang responsable sa pagpatay sa dating punong barangay at ngayon ay vice mayoral aspirant sa bayan ng Tantangan.
Sa pahayag ni Miguel noong Lunes ng hapon, patuloy pa rin ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para sa pagkakakilanlan sa suspek at bumuo na rin ang South Cotabato Police ng Special Investigation Task Group (SITG) para mapabilis ang pagresolba sa nasabing kaso.
Matatandaan na noong Nobyembre 17, 2014 ng madaling araw natagpuang naliligo sa sariling dugo at wala ng buhay si vice mayoral aspirant Jose Osorio, 58, sa kanilang kainan sa gilid ng kalsada sa Barangay Bukay Pait.
Sinabi naman ni Col. Samuel Cadungon, director ng South Cotabato, na nakatuon sa ngayon ang SITG-Osorio para sa tunay na pagkakakilanlan at utak sa pagpaslang sa biktima.
Hindi naman inaalis ng mga awtoridad na personal alitan o may kinalaman sa pulitika ang isa sa mga motibo sa krimen.
Dagdag pa ni Cadungon na walang natatanggap na pagtatangka sa kanyang buhay si Osorio bago ang pagpaslang sa biktima.
Si Osorio ay running mate ni dating mayor Benjamin Figueroa sa darating na halalan at tatlong termino na siyang chairperson ng Barangay Bukay Pait./Mary Anne Sapico