MANILA, Philippines – ININGUSO ng locator ng kanyang cellphone at kanyang social media account ang isang suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa Caloocan City matapos itong maaresto sa Pampanga, iniulat kahapon.
Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Caloocan City Police Chief Col. Paul Lady Doles, ang suspek ay naaresto hinggil sa umano’y pamamaril hanggang sa mapatay ang isang lalaki sa Dagat-Dagatan, Caloocan, Lunes ng gabi.
Nakuhanan pa ng CCTV, ang suspek habang papatakas sa lugar ng krimen lulan ng isang motorsiklo.
“Akala ko magpapahangin lang siya. Yumuko lang ako. Pag yuko ko, doon na bumunot doon na siya nagpaputok,” pahayag ng saksing si Ben.
At sa pamamagitan ng locator ng cellphone ng suspek at ang presensya nito sa social media, tunton ang kanyang kinaroroonan.
“Tumakbo sa Mabalacat, Pampanga… Based sa napagtanungan natin, doon po talaga umuuwi ang suspek,” ayon kay Col Doles.
”Hindi namin matutunton exactly kung saan yung pamamahay ng tao… pero due to social media accounts, na-trace namin sa Facebook account niya na doon nakatira ang kapatid niya,” ayon kay Police Captain Mikko Arellano, Sangadaan Police Station Commander.
Base sa kanilang imbestigasyon, nagkaroon ng alitan sa pagitan ng biktima at ng suspek na may kinalaman sa iligal na droga at nauwi sa pamamaril at pagpatay.
“It could be revenge, dahil sabi ng biktimang namatay, sinabihan itong suspek, ‘Hindi ka na aabutin ng pasko,” ayon naman kay Northern Police District Director Police Colonel Josefino Ligan.
“Kanina lang, very cooperative. Suddenly, noong nandito lang kayo,parang iba na. Makikita natin ang personality ng isang medyo professional. Meron siyang involvement sa murder, nakulong sa drugs,” dagdag pa ni NPD Deputy Director for Operations Police Colonel Villaflor Banawagan.
“Sana mahuli yung totoong gumagawa… hindi ako yung gumawa,” pagtatanggi ng suspek. (Merly Duero)