Home METRO 2 sundalo, trike driver todas sa tanker truck

2 sundalo, trike driver todas sa tanker truck

TINATAKPAN ng mga rescuer ang bangkay ng dalawang sundalo at tricycle driver na nakahandusay sa kalsada matapos salpukin ng tanker truck ang sinasakyan nilang traysikel sa Emilio Vergara Highway sa Barangay Valle Cruz, Cabanatuan City. Marina Bernardino

MANILA, Philippines – Tatlo ang patay, kinabibilangan ng dalawang sundalo at tricycle driver, habang sugatan ang isa pa matapos silang tumbukin sa likuran ng isang sport utility vehicle (SUV) at salpukin makaraan ng tanker truck sa Cabanatuan City.

Ayon sa ulat, nangyari ang malagim na aksidente sa Emilio Vergara Highway sa Barangay Valle Cruz, Cabanatuan, bandang alas-7:00 ng umaga kamakalawa.

Sa report kay Lt.Col. Warly Bitog, hepe ng Cabanatuan City Police Station, kinilala ang mga namatay sa pamamagitan ng kanilang identification card na sina Malik Matuan, driver ng tricycle, residente ng Purok 4, Brgy. Bantug Norte, Cabanatuan City; Rainhearth Christian Jose Panit at Joel Villanueva y Javar, kapwa miyembro ng Armed Forces of the Philippines.

Sugatan naman at patuloy na ginagamot sa ospital ang kasama ng dalawang sundalo na si Cain Correche y Royandoyan, 29, residente ng Brgy. San Jose, Gandara, Samar.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sakay sa tricycle ang mga biktima habang tinatahak ang kahabaan ng Emilio Vergara Highway nang bigla silang tumbukin sa likuran ng kasunod na SUV na minananeho ni Maeven Jerome Pacson y Villorante, 24, residente ng Brgy. Santo Cristo, San Isidro, Nueva Ecija.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng tricycle hanggang sa salpukin ng kasalubong na tanker truck na minananeho naman ni Virgilio Villamor y Seculless, 51, residente ng Brgy. Capirpiriwan, Cordon, Isabela.

Sa lakas ng pagsalpok ng truck ay nalukot ang tricycle at tumilapon ang mga sakay nito.

Nawasak din ang kaliwang bahagi ng tanker truck pero hindi naman nasaktan ang driver at pahinante nito. Ligtas din ang driver ng SUV na bumangga sa likuran ng tricycle.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries and damage to properties laban sa driver ng tanker truck at ng SUV. Marina Bernardino/Alvin Magbitang