Home METRO 2 suspek sa pagpatay sa 3 Muslim na bibili ng ginto, arestado...

2 suspek sa pagpatay sa 3 Muslim na bibili ng ginto, arestado sa Cagayan

129
0

BUGUEY, Cagayan – Arestado ng mga awtoridad ang dalawang suspek na sangkot sa pagpatay sa tatlong indibiduwal na kabilang sa tribong Maranao o Muslim na natagpuan sa Brgy. Sta. Teresa, Lal-lo, Cagayan.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Fred, 31 taong gulang, at alyas Rod, 48 taong gulang, kapwa residente ng Buguey, Cagayan.

Nadakip ang dalawa sa isinagawang hot pursuit operation ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan dakong alas tres ng hapon sa Barangay San Juan, Buguey, Cagayan.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ng mga suspek ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas kabilang ang isang 9mm pistol, isang M16 rifle na may buradong serial number, mga magazine at daan-daang bala, improvised firearms, rifle grenade, mga bag, at tatlong cellular phone.

Ang mga nakuhang cellular phone ay kasalukuyang isinailalim sa forensic examination bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad.

Una rito, nakitang palutang-lutang sa sapa ang bangkay ni Salic Amerol, 41, cellphone technician at taga-Tuguegarao City, Cagayan.

Habang sa gitna ng kalsada ay nakahandusay ang kapatid niyang si Motaleb “George” Amerol, 40, at asawang si Janisa, 38, na taga-Tuguegarao City din.

Tinitingnan ngayon ng pulisya na motibo sa krimen ang robbery dahil nawawala ang perang dala ng mga biktima na nagkakahalaga ng P1,100,000 at pambili sana ng ginto gayundin ang cellphone ng babaeng biktima.

Nagsagawa ng ocular inspection ang mga kapulisan sa sasakyan ng mga biktima na nasa Camalaniugan Police Station at sa Grupo Medico De Dios Hospital sa Brgy. Bulala, Camalaniugan upang makakuha ng posibleng CCTV recordings na makatutulong sa paglilinaw ng insidente.

Nagsagawa rin ng inspeksiyon ang mga awtoridad sa mismong pinangyarihan ng krimen at nakipag-ugnayan sa mga residente sa lugar upang makalap ang karagdagang impormasyon.

Dinala rin sa Buguey Police Station ang dalawang saksi mula sa Tuguegarao City upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng mga naarestong suspek.

Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon habang tinutugis ng mga awtoridad ang isa pang posibleng sangkot sa insidente.

Samantala, agad na inilibing ang mga biktima bilang bahagi ng kanilang tradisyon at kulturang Muslim bilang pagbibigay-pugay at paggalang, na dinaluhan ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan na sumisigaw ng hustisya sa walang habas na pamamaslang. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here