MANILA, Philippines – Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi nito isinusulong ang manual counting sa 2028 elections upang maiwasan ang pandaraya.
Ginawa ng Comelec ang paglilinaw upang pabulaanan ang Facebook post ng isang “Mahina Moto Vlog” at “Medical DL” kung saan nakasaad ang “George Garcia, manual counting sa elections sa 2028 para maiwasan ang pandaraya”.
Mariing nilinaw ng Comelec na ang impormasyong nakasaad sa Facebook posts ay walang katotohanan, hindi sinabi ni Chairman Garcia, at hindi galing sa Comelec.
Ang Comelec ay tumatalima sa mga umiiral na batas panghalalan at patuloy na ipatutupad ito sa mga susunod at darating na halalan.
Hinihikayat din ng Comelec ang publiko na maging mapanuri at tiyaking beripikado ang mga impormasyong nababasa at ibinabahagi online.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9369 o ang Election Automation Law, inaatasan ang Comelec na gumamit ng automated election system na sumasaklaw sa voting, counting, canvassing, at transmission ng election results.
Binalaan ng Komisyon ang publiko na ang pagpapakalat ng mali at nakakabahalang impormasyon ay itinuturing na election offense sa ilalim ng Section 261 (z)(11) ng Omnibus Election Code. Jocelyn Tabangcura-Domenden