MANILA, Philippines – Natukoy na ng Dasmarinas police ang gunman at kasabwat nito sa pamamaril sa isang pasyenteng babae sa ospital sa naturang lungsod noong madaling araw ng Miyerkules, Agosto 28.
Ayon kay PCol. Julius Balano na hepe ng Dasmariñas police, ang impormasyon ay mula sa naunang naarestong lookout sa krimen.
“May suspect na tayong nahuli at based sa revelation niya, na-identify natin ang dalawang suspek. Nai-file na po nating yung kasong murder sa kanilang tatlo, kasama na po ang arrested natin,” ani Balano.
“Kahapon nai-file na rin po ang [kaso ng] frustrated murder… may dalawa pa po kami na hinihikayat po na mag-file ng kaso,” dagdag pa niya sa panayam ng ABSCBN News.
Sugatan din sa naturang insidente ng nanay ng biktima at security guard ng ospital.
Samantala, tinitingnan ng pulisya na motibo sa krimen ay ang pagiging informant ng biktima sa mga awtoridad.
“Iyan po ang nakikita naming rason kung bakit matindi po ang galit ng suspect, iyong pagiging informant ng biktima,” ani Balano. RNT/JGC