Home METRO 2 terorista patay sa engkwentro

2 terorista patay sa engkwentro

SULTAN KUDARAT- Patay ang dalawang kasapi ng teroristang grupo ng executive committee ng Sub-Regional Command (SRC) – Daguma of Far South Mindanao Region (FSMR) matapos makasagupa ang mga sundalo noong Huwebes sa Lebak, Sultan Kudarat.

Ayon kay Lt. Col. Guillermo Mabute Jr., pinuno ng 57th Infantry (Masikap) Battalion, bandang alas-5:43 ng umaga nang maganap ang sagupaan sa Sitio Lamuan, Barangay Salangsang, Lebak, Sultan Kudarat.

Sinabi ni Mabute Jr., nakatanggap sila ng report hinggil sa pangingikil ng armadong grupo sa nasabing lugar.

Agad na naglatag ng decisive military operations ang tropa ng pamahalaan laban sa mga teroristang grupo at pagdating sa naturang lugar agad silang sinalubong ng mga putok ng baril ng higit sa 10 kasapi ng FSMR.

Gumanti naman ng putok ang mga sundalo na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang terorista habang mabilis naman tumakas ang mga kasamahan.

Narekober sa lugar ng bakbakan ang isang 5.56mm M16 rifle, isang Cal .45 pistol, isang granada, mga magasin, mga bala, subersibong dokumento, mga personal na gamit at ibang pang-giyerang kagamitan.

Nagpapatuloy naman ang ginawang pagtugis ng tropa ng pamahalaan laban sa mga nalalabing teroristang grupo. Mary Anne Sapico