MANILA, Philippines – Dalawang katao ang iniulat na namatay at 10 iba pa ang naiulat na nasugatan sa Central Visayas dahil sa epekto ng Tropical Storm Enteng, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes.
Sa ulat nitong alas-8 ng umaga, sinabi ng NDRRMC na nasa 63 katao o 14 na pamilya sa Central Visayas ang naapektuhan ni Enteng sa ngayon.
Sa kabuuang bilang, 43 katao o siyam na pamilya ang nananatili sa isang evacuation center habang 20 indibidwal o limang pamilya ang nakasilong sa ibang lugar.
Siyam na lugar sa Luzon ang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 noong Lunes ng umaga habang dahan-dahang lumiko si Enteng patungo sa silangan ng Polillo Islands, sinabi ng state weather bureau PAGASA.
Suspendido ang klase sa ilang Luzon at Visayas areas dahil sa Enteng. Sa Metro Manila, na nasa ilalim ng TCWS No. 1, sinuspinde rin ang trabaho ng gobyerno.
Sa pinakahuling update ng PAGASA, ang Enteng ay nasa layong 100 kilometro hilagang-kanluran ng Daet, Camarines Norte o 115 kilometro silangan hilagang-silangan ng Infanta, Quezon na kumikilos Hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kph. RNT