MANILA, Philippines – Nilusob ng mga awtoridad ang illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) facility sa Zambales.
Sa report nitong Huwebes, Setyembre 5, sinabi ni
Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Maj. Gen. Leo Francisco na ang operasyon ay isinagawa nitong Miyerkules sa isang hub na matatagpuan sa 9-B Grooper Street sa loob mismo ng Subic Bay Freeport Zone.
Nasagip sa operasyon ang 18 Chinese nationals, habang naaresto naman ng pulisya ang dalawang suspek na sina alyas “Bao Go” at “A Hai” sa umano’y human trafficking.
Nag-ugat ang operasyon sa search warrant na inisyu ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 97 na may petsang Setyembre 3 dahil sa posibleng paglabag sa human trafficking laws.
Nakumpiska ng pulisya sa operasyon ang 18 desktop computers, assorted mobile phones, documents, bank cards, IDs, safety vault, at ilang bolo.
Nasa kustodiya na ng CIDG Intelligence Division sa Camp Crame, Quezon City ang mga naarestong suspek, nasagip na mga indibidwal, at piraso ng mga ebidensya para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.
Inihahanda na ang criminal complaint sa paglabag sa Republic Act (RA) 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), na inamyendahan ng RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act) sa mga suspek. RNT/JGC