MANILA, Philippines – Ilalagay sa state of calamity ang Bohol dahil sa tumataas na kaso ng dengue.
Ito ang inirekomenda ng Provincial Anti-Dengue Task Force sa pamamagitan ng resolusyon na dapat nang magdeklara ng dengue outbreak si Gov. Erico Aristotle Aumentado sa probinsya.
Sa pagpupulong nitong Lunes, Setyemrbe 2, sinabi ng task force na mula Enero hanggang Agosto ay nakapagtala na sila ng 5,839 dengue cases at 14 ang nasawi dahil dito.
Mas mataas ito ng 451.4% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na 971 kaso lamang.
Nalampasan na nito ang epidemic threshold ng Provincial Epidemiological Surveillance Unit (PESU).
Sa ulat ng PESU, 24 bayan sa probinsya ang kwalipikado nang ideklarang may outbreak sa dengue.
Ang mga bayan na nasa taas ng epidemic threshold ay ang Anda, Alicia, Baclayon, Balilihan, Candijay, Dauis, Garcia Hernandez, Getafe, Inabanga, Mabini, Maribojoc, San Isidro, Sikatuna, Tagbilaran City, Talibon, Trinidad, at Tubigon.
Siniguro naman ni Aumentado na gagawa ang pamahalaang panlalawigan ng nararapat na aksyon para sa tumataas na kaso ng dengue.
“We have started procuring IV fluids and dengue testing kits so we can protect our people,” ani Aumentado.
Bumili na ang pamahalaan ng P5.3 milyong halaga ng IV fluids at testing kits, para sa dengue outbreak, kasama ang karagdagang mga kama sa mga ospital sa Bohol. RNT/JGC