Home METRO 2 tiklo sa kush, boga sa P’que

2 tiklo sa kush, boga sa P’que

MANILA, Philippines- Arestado ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City police ang dalawang drug suspects sa ikinasang buy-bust operation nitong Huwebes ng gabi, Setyembre 26.

Kinilala ni Parañaque City police officer-in-charge P/Col. Melvin Montante ang mga nadakip na suspek na sina alyas Joven, 23, delivery driver at alyas Arjay, 24, isang tattoo artist.

Base sa report na isinumite ni Montante kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete, naganap ang pagdakip sa mga suspek dakong alas-8:40 ng gabi sa Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Sa ikinasang buy-bust operation ng SDEU ay narekober sa posesyon ng mga suspek ang tatlong vacuum-sealed pouches na naglalaman ng tig-28 gramo ng high-grade marijuana (Kush) na may kabuuang halaga na ₱126,000.

Bukod sa ilegal na droga ay nakumpiska din sa mga suspek ang isang Armscor .9mm pistola na kargado ng limang bala, cellular phone, sling bag, at ₱1,000 buy-bust money na nakapatong sa 13 piraso ng tig-₱1,000 counterfeit bills.

Dinala sa the SPD Forensic Unit ang nakumpiskang Kush na may kabuuang bigat na 84 gramo pati na rin ang narekober na baril habang ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Parañaque City police.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (R.A. 9165) at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (R.A. 10591) ang kinahaharap ng mga suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan